Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang magiging special treatment sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina director Linconn Ong at corporate secretary na si Mohit Dargani.
Ayon kay BJMP spokesman J/Chief Insp. Xavier Solda, ituturing pa rin nilang karaniwang bilanggo ang mga ito.
Gayunman, inamin ni Solda na isa ang Pasay jail sa mga congested facilities sa buong bansa.
Kung maaalala noong 2018, may inmate na namatay at anim na iba pa ang naospital dahil sa init na dulot ng siksikan ng mga bilanggo sa naturang kulungan.
Sa ngayon ay may 1,000 percent congestion rate ang Pasay jail, ngunit wala raw silang magagawa kundi tanggapin ang ipinapasok na mga preso.
Sina Dargani at Ong ay inaresto ng Senado dahil sa pagtatago umano ng mga impormasyon ukol sa multi billion PS-DBM deal o pagbili ng medical supply para sa frontline health workers.