-- Advertisements --

Nanindigan si Senador Kiko Pangilinan na dapat hinintay ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema sa Motion for Reconsideration (MR) na inihain ng Kamara para baligtarin ang naunang desisyon kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Iginiit din ng senador na dapat ay iginagalang ng Senado ang Kamara bilang co-equal body sa pamamagitan ng inter-chamber courtesy at hinayaang maresolba muna ang MR bago kumilos sa Articles of Impeachment na ipinadala ng Kamara noong Pebrero 5.

Aniya, ang pagboto para i-archive ang reklamo habang nakabinbin pa ang MR ay “premature” dahil maaari pang mabago o mabaligtad ang desisyon.

Bagama’t iginiit niya ang kanyang paggalang sa Korte Suprema, sinabi niyang precedent-setting ang desisyon nitong alisin ang kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court at ng Kamara bilang tanging may karapatang magsimula ng impeachment proceedings.

Sa pamamagitan ng MR ng Kamara, naniniwala si Pangilinan na maaaring “pag-isahin” ng Korte Suprema ang magkasalungat na probisyon ng Konstitusyon at bigyan ng malinaw at legal na bisa ang kapangyarihan nitong magsagawa ng judicial review —  ang sole power ng Kamara na magpasimula ng impeachment — at ang sole power ng Senado na maglitis at magpasya sa mga kaso.