Sugatan sa pamamaril ang isang babaeng estudyante matapos na barilin ng kaniyang dating kasintahan sa loob ng paaralan sa Nueva Ecija.
Ayon kay PMaj Williard Dulnuan, hepe ng Santa Rosa, Nueva Ecija Police Station, nangyari ang insidente sa Santa Rosa Integrated School dakong alas-10:45 ng umaga nitong Huwebes.
Ang suspek ay isang 18-anyos na lalaki na pumasok sa paaralan at binaril ang 15-anyos na Grade 8 na mag-aaral.
Matapos ang insidente ay binaril din ng suspek ang kaniyang sarili kaya agad silang dinala sa pagamutan.
Lumalabas sa imbestigasyon na magkasintahan umano ang dalawa kung saan nagkaroon ng hidwaan hanggang pinuntahan ng suspek ang paaralan kung saan nag-aaral ang biktima.
Nag-aaral naman sa ibang paaralan ang suspek at nakapasok ito matapos sumabay sa ibang mga estudyante ng Santa Rosa Integrated School.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad at pansamantalang isinara ang nasabing paaralan.