-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Representative Mark Enverga na makakatulong sa pagpapatatag sa mga presyo ng palay at magbibigay sa mga magsasaka ng patas na pagkakataong kumita ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na suspindihin ang pag import ng bigas sa loob ng 60 araw.

Nagbabala din si Enverga sa mga rice traders at importers na ang suspension sa rice imports ay hindi ito lisensya para mag-hoard o magmanipula ng mga presyo. 

Giit ni Enverga na walang katwiran para pagsamantalahan ang sitwasyon, dahil hindi magdadalawang isip ang gobyerno na kumilos laban sa mga umaabuso sa sistema.

Binigyang-diin ni Enverga na suportado nila ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr dahil ito ay napapanahon lalo at nasa peak na ang harvest season.

Layon ng direktiba ng Pangulong Marcos na tulungan ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang mga palay.

Una ng inihayag ng Department of Agriculture na puno ng imported na bigas ang mga warehouse at wala ng espasyo para sa mga bagong harvest na bigas.

Ang oversupply ng bigas ay magdudulot ng malaking epekto sa kita ng mga magsasaka. 

Ang naging desisyon ng Pangulo ay susportado ng Republic Act No. 12078, or An Act Amending the Agricultural Tariffication Act, na nagbibigay kapangyarihan sa kanya na suspindihin ang pag-aangkat sa panahon ng kawalan ng timbang sa merkado. 

Ang gobyerno ay may tungkulin na makialam, ibalik ang patas na presyo at pigilan ang pagbagsak ng ating sektor ng agrikultura.