MANILA – Nakatakdang ipasa ngayong araw nina Vaccine czar Carlito Galvez at Health Sec. Francisco Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte ang report tungkol sa inisyal na pagbabakuna ng Pilipinas laban sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos ang dalawang linggo mula nang opisyal na makapagsimula ang bansa sa coronavirus vaccination.
“Later on, this afternoon, Sec. Galvez will be presenting, along with Sec. Duque, to the president about the details of vaccine deployment and inoculation,” ani Dr. Beverly Ho, Director IV ng DOH-Health Promotion Bureau.
Batay sa tala ng ahensya, aabot na sa 193,492 doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok sa mga Pilipino.
Sa ngayon mayroong 1.125-million doses ng bakuna ang Pilipinas. Mula ito sa pinagsamang Sinovac vaccines ng China, at AstraZeneca na gawa sa United Kingdom.
“90% of our stocks have already been distributed to vaccination sites… kasama na (yung for 2nd dose).”
Samantala, nilinaw naman ni Dr. Ho na sa ngayon ay nasa “managable” na antas pa ang mga naitalang kaso ng adverse events following immunization (AEFI).
“Everyday may reporting na nangyayari sa health facilities, (but) they are monitored, and the symptoms are resolving. All of these are recorded.”
Maglalabas daw ng datos ang pamahalaan sa Miyerkules.
Target ng gobyerno na mabakunahan ang tinatayang 1.8-million healthcare workers na pinaka-una sa priority list.
Una nang sinabi ni Galvez na nakatakda pang dumating ngayong buwan ang karagdagang mga doses ng Sinovac vaccine.
Sa mga susunod na buwan inaasahan ang iba pang bakuna na mula sa COVAX Facility ng World Health Organization.