Kinilala ni Philippine Red Cross (PRC) chairman at Sen. Richard Gordon ang panibagong tagumpay ng Bombo Radyo Philippines sa katatapos na “Dugong Bombo: A little pain, a life to gain.”

Sa nasabing aktibidad, pumalo sa mahigit 9,000 ang successful blood donors, kung saan mahigit 4 million cc ang nakalap o katumbas ng 19.86 drums.

Idinaos ito sa 24 key cities sa bansa na may Bombo Radyo at Star FM stations, maliban lamang sa Isabela na apektado ng bagyong Ramon.

Ayon kay Gordon, kapuri-puri ang gawaing ito ng Bombo Radyo dahil maliban sa daan-daang libo na matutulungan, nakapagbibigay din ng aral sa lahat ukol sa kahalagahan ng pagdo-donate ng dugo.

“Napakabuti ng ginagawa n’yo, sapagkat ang Red Cross ang nagbibigay ng halos lampas ng kalahati ng dugo sa Pilipinas, sa ating mga kababayan. At napakalaki ng kontribusyon ng Bombo sa ginagawa natin dyan, sapagkat kahit na kailan hindi tayo mauubusan ng dugo…,” wika ni Gordon.

Sen. Richard Gordon (PRC Chairman)

Kung may malaking benepisyo kasi ito sa mga nasasalinan ng kailangang blood supply, may ginhawa ring dulot ang regular na pagpapakuha ng dugo para sa maayos na sirkulasyon ng ating katawan.