-- Advertisements --
prc

Puspusan ang mga paghahanda ng Philippine Red Cross (PRC) habang nagbabanta ng matinding epekto ang typhoon Goring na may international name na Saola, sa ilang bahagi ng Northern Luzon.

Ang mga food truck, water tanker, at payloader ay nasa lugar na at maaaring magamit kaagad.

Maging ang mga ambulansya, generator, at kagamitan sa pagsagip ay nauna nang nakaposisyon sa mga lugar na lantad sa panganib.

Sinabi sa Bombo Radyo ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon na ang mga local chapters ng PRC at mga Red Cross 143 volunteers ay handang pakilusin, lalo’t ang Hilagang Luzon ay patuloy pa ring inaalalayan dahil sa nagdaang mga epekto ng Egay at Falcon.

Posible pa rin kasi ang mga landslide sa rehiyong ito dahil nakaranas na sila ng maraming pag-ulan noong mga nakaraang linggo.

Kasama ng iba pang mga lifeline tulad ng pagkain, tubig, kuryente, at telecommunication, ang mga payloader ay naka-preposition kung sakaling may pagguho ng lupa, mga matutumbang puno at iba pang debris na humarang sa mga kalsada at makahadlang sa relief at rescue operations.

Samantala, sinabi naman ni PRC Secretary-General, Dr. Gwen Pang, na ang mga PRC chapters sa iba pang bahagi ng Luzon at Visayas ay nakahanda rin na tumugon dahil inaasahang mapapalakas ni bagyong Goring ang habagat, na magdudulot din ng paminsan-minsang pag-ulan sa mga nabanggit na rehiyon.