-- Advertisements --

Pumalo na sa anim ang napaulat na nasawi kasunod ng pananalasa ng bagyong Uwan sa Pilipinas.

Base sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRMMC) ngayong Martes, Nobiyembre 11, kinumpirma ng ahensiya na naitala ang tatlong nasawi mula sa Cagayan Valley at tig-isa mula sa Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.

Habang kabuuang 13 katao pa ang napaulat na nasugatan.

Bunsod nito, apektado ngayon ang mahigit 2 milyon ng indibidwal o katumbas ng mahigit 600,000 pamilya sa Iloco Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Negros Island Region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Pinakamaraming bilang ng naapektuhang indibidwal ay naitala sa Bicol na pumalo sa mahigit isang milyon, sinundan ng Negros Island Region at Eastern Visayas.

Sa mga apektadong pamilya, mahigit 200,000 ang nananatili pa sa mga evacuation center habang ang iba naman na nasa mahigit 78,000 pamilya ay nanunuluyan sa ibang lugar.

Sa damage assessment ng ahensiya, mahigit 4,000 kabahayan ang mga napaulat na nasira kung saan mahigit 3,000 ang bahagyang napinsala habang mahigit 700 ang tuluyang nawasak.

Pagdating sa suplay ng kuryente, malawakang nararanasan pa rin ang power outage sa 394 na lugar na sinalanta ng bagyo.

Base sa NDRRMC, nakapagbigay na ang pamahalaan ng mahigut P48 milyong tulong para sa mga biktima ng bagyo.

Nitong umaga ng Lunes, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Uwan subalit inaasahang muli itong papasok ng PAR at tutungo ng Taiwan.