Inihain ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ng International Criminal Court (ICC) ang rekomendasyon ng dalawang eksperto sa neuropsychology na bubuo sa bagong panel na susuri sa mental health ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung karapat-dapat ba itong humarap sa paglilitis.
Sa limang-pahinang dokumentong inihain noong Nobyembre 10, 2025, sinabi ni Paolina Massidda, Principal Counsel ng OPCV, na ang dalawang inirekumendang susuri kay Duterte ay may sapat na credentials at karanasan.
Ayon pa sa OPCV, pinili nila ang mga eksperto batay sa kanilang kwalipikasyon at kakayahan, kabilang ang pagiging bihasa sa ingles at sa wika kung saan nakasulat ang ilang naunang medical findings ni Duterte.
Ang ICC ay dati nang nagtalaga ng tatlong miyembrong panel na binubuo ng isang forensic psychiatrist, neuropsychologist, at eksperto sa geriatric at behavioral neurology. Gayunman, hiniling ng kampo ni Duterte na alisin ang isa sa mga eksperto dahil umano sa kakulangan ng karanasan at posibleng kawalan ng impartiality nito.
Sa mosyon noong Nobyembre 7, iginiit ni Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni Duterte, na dapat bawiin ng Pre-Trial Chamber ang mandato ng naturang eksperto at huwag na itong payagang mapasama sa listahan ng ICC experts.
Bunsod nito, inatasan ng Pre-Trial Chamber I ang Registry na magsumite ng bagong shortlist ng mga neuropsychology experts. Sa hiwalay na dokumento rin noong Nobyembre 10, sinabi pa ni Massidda na ipauubaya nila sa Chamber ang pinal na desisyon, ngunit iginiit na dapat may neuropsychologist sa panel upang matiyak ang patas na pagsusuri sa kalagayan ng dating pangulo.
Matatandaang inaresto at dinala si Duterte sa The Hague noong Marso 12, at huling nakita sa isang teleconference noong Marso 14.
Naantala ang kanyang confirmation of charges hearing na orihinal na itinakda noong Setyembre 23, matapos igiit ng kanyang mga abogado na siya ay hindi na fit to stand trial dahil sa umano’y paghina ng kanyang cognitive abilities.
















