-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na mayroon itong dalawang opsyon na maaring gawin sa implementasyon ng arrest warrant kay Sen. Bato Dela Rosa.

Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin L. Chan, sa ilalim ng Republic Act No. 9851, maaring ‘extradition’ o ‘surrender per se’ ang isagawa ng kagawaran.

Ito aniya ay kung sakaling mayroon at matanggap na nila ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court laban sa naturang senador.

Ngunit kanyang nilinaw na ang dalawang opsyon na ito ay bilang teorya pa lamang sapagkat wala pang kumpirmasyon kung tunay nag-isyu na ang International Tribunal.

Giit kasi ng Department of Justice na wala pa silang natatanggap na kopya ng ‘warrant of arrest’ na sinasabing inisyu na umano ng International Tribunal.

Kung kaya’t ibinahagi ng naturang opisyal na kanila umanong pinag-aaralang maigi ang mga opsyon maaring gawin ukol sa implementasyon ng arrest warrant.

Hindi aniya nila isinasara ang posibilidad na aksyunan ang kautusan sa pamamagitan ng extradition o pag-surrender kay Sen. Bato Dela Rosa.

Habang kanyang binigyang linaw ang patungkol sa ‘technicalities’ sa ugnayan ng bansa sa International Criminal Court.

Kanyang sinabi na itinuturing nila ang naturang International Tribunal bilang ‘requesting state’ ngunit aniya’y walang ‘treaty’ para ipatupad ang extradition.