Posibleng sa unang linggo na ng Enero mapirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang 2026 national budget na nagkakahalaga ng ₱6.793 trilyon.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, kung sisimulan at matatapos ng Malacañang ang pagrepaso sa enrolled budget mula ngayon hanggang sa mga huling araw ng Disyembre, posible ang pirmahan bago magtapos ang taon. Gayunman, aminado siyang may pagdududa siya rito.
Sinabi ng liderato ng Senado na kahit magkaroon ng ilang araw na reenacted budget, wala itong masamang implikasyon.
Aniya, ilang araw o kahit isang linggong reenactment ay hindi problema, lalo’t sa mga nagdaang taon ay umabot pa sa tatlong buwan ang reenacted budget.
Paliwanag ni Sotto, kahit hindi pa mismong ang Pangulo ang nagre-review, sinimulan na umano ng Office of the President ang pagsusuri sa panukalang budget habang tinatalakay pa ito sa bicameral conference committee.
Matapos aniya ang bicam deliberations, kasalukuyan nang iniimprenta ang enrolled bill at malamang ay nasusubaybayan na ng Malacañang ang mga napagkasunduan ng Kongreso.
Aminado rin si Sotto na hindi kakayanin ngayong araw ang ratipikasyon ng budget dahil hindi siya papayag na summary lamang ang iraratipika ng Senado.
Una nang inamin ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Win Gatchalian na ang posibleng balakid ay ang pagkakaroon ng quorum sa oras ng ratipikasyon, lalo’t may ilang mambabatas na maaaring naka-bakasyon na.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga ang presensya ng sapat na bilang ng mga mambabatas upang tuluyang maaprubahan ang panukalang pambansang badyet.
Raratipikahan ng Senado ang 2026 national budget sa Disyembre 29.















