-- Advertisements --

Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kina Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul at Cambodian Prime Minister Hun Manet upang talakayin ang lumalalang border conflict ng dalawang bansa.

Ayon sa mga pag-aaral, umabot na sa mahigit 100 ang nasawi at libo-libong residente ang lumikas dahil sa mga sagupaan sa hangganan. Bilang ASEAN Chair, iginiit ng Pilipinas na mahalagang magkaroon ng espasyo para sa mapayapang diyalogo at diplomatic engagement.

Binigyang-diin ni Marcos ang prinsipyo ng ASEAN tulad ng respeto sa soberanya, non-interference, at peaceful settlement of disputes. Ayon sa kanya, nagkaroon ng bukas na talakayan at ilang posibleng kasunduan at hakbang para mapababa ang tensyon.

Nagkasundo rin ang Thailand at Cambodia na iwasan ang mga aksyong magpapalala ng sigalot at ituloy ang komunikasyon sa pamamagitan ng kani-kanilang foreign ministries upang maibalik ang tiwala at katatagan sa rehiyon.

Parehong nagpahayag ng kahandaan ang dalawang lider na ituloy ang usapang pangkapayapaan, habang kinilala rin nila ang papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng regional stability at ASEAN unity. (report by Bombo Jai)