Ipinahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang patuloy na paglago at katatagan ng sektor ng pagbabangko sa bansa sa unang kalahati ng 2025, batay sa inilabas nitong “Report on the Philippine Financial System for the First Semester of 2025.”
Ayon sa BSP, umabot sa P28.2 trilyon ang kabuuang assets ng mga bangko noong Hunyo, mas mataas ng 7.7 porsyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ang pagtaas na ito ay bunsod ng matatag na domestic deposits at sinusuportahan ng malakas na liquidity at capital buffers. Nanatiling maayos ang kalidad ng assets, kung saan ang loans at investments ang bumubuo sa malaking bahagi ng kabuuan.
Tumaas din ang kita ng sektor ng 4.1 porsyento year-on-year, na umabot sa P198.1 bilyon hanggang Hunyo 2025. Ipinapakita nito ang maingat na pamamahala sa panganib at mahusay na credit governance.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona, Jr., ang matatag na performance ng banking system ay patunay ng kakayahan nitong samantalahin ang mga oportunidad, harapin ang mga bagong panganib, magpatupad ng inobasyon, at isulong ang inclusive and sustainable growth.
Dagdag pa ng gobernador, patuloy na isusulong ng BSP ang mga polisiya na magpapalakas pa sa banking system upang mas mapalago ang ekonomiya at matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mga Pilipino.
Binanggit din sa ulat ang positibong performance ng foreign currency deposit units at trust entities.
Bukod dito, tampok sa ulat ang mga inisyatiba sa pagpapalakas ng credit information system, pagpapabuti ng anti-money laundering at counterterrorism financing framework, mas inklusibo at digital na retirement savings account, at ang pagtatatag ng Financial Cyber Resilience Governing Council.
Ang mga hakbang na ito ay bunga ng mas pinatibay na koordinasyon ng BSP sa mga institusyong pinangangasiwaan nito, iba pang financial regulators, at mga asosasyon sa industriya upang higit pang mapatatag ang sektor ng pagbabangko sa bansa.















