Iniulat ng state weather bureau na nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Uwan (International name: Fung-wong) nitong Martes, Nob. 11, ngunit nakataas parin sa 32 lugar sa Luzon ang tropical cyclone wind signals.
Nanatili sa Signal No. 2 ang Batanes, Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), Apayao, Abra, Kalinga, bahagi ng Mountain Province at Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at hilagang La Union. Signal No. 1 naman ang iba pang lugar sa Luzon, kabilang ang Metro Manila, Rizal, Laguna, at Batangas.
Batay sa weather bulletin ng weather bureau, huling namataan ang bagyo sa layong 365 kilometro kanluran ng Calayan, Cagayan, na paakyat ang galaw sa bilis na 15 kph, na may hangging umaabot sa 120 kph at bugso na hanggang 150 kph.
Ayon pa sa weather bureau, patuloy na iikot ang bagyo patungong hilaga bago lumiko patungong northeast, at inaasahang hihina sa severe tropical storm bago tumama sa western Taiwan.
Hindi naman inaalis ng state weather bureau ang posibilidad na pagbalik ng bagyo sa PAR na inaasahan sa Miyerkules ng gabi, Nob. 12, at hihina pa sa remnant low pagdating sa karagatan malapit sa Ryukyu Islands sa Biyernes, Nob. 14.















