Sinuspinde na ng Palasyo ng Malakanyang ang pasok sa gobyerno at maging ang klase sa lahat ng antas bukas, November 10,2025 bunsod ng hagupit ng Supertyphoon Uwan.
Inilabas ng Malakanyang ang Memorandum Circular No. 106 na nagsususpinde sa mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno dahil sa epekto ng super typhoon Uwan.
Ang suspension ay batay sa naging rekumendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Batay sa memorandum circular na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin kabilang sa mga walang pasok ay ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Regions 1,2,3, 4-A,4-B, 5, at region 7.
Suspendido din ang klase sa lahat ng antas sa region 6 at Negros Island region, bukas Nov. 10 hanggang Nov. 11,2025.
Binigyang-diin naman ng Malakanyang na tuloy ang trabaho ng mga government offices na responsable sa pagbibigay ng mga basic services.
Nilinaw din ng Palasyo na maari din mag deklara ng suspension of work and classes ang mga local chief executives sa kani kanilang mga lugar.
Habang ang suspension of work sa mga private companies ay nasa disrection ng kanilang mga pinuno.
Samantala, naglabas na rin ng abiso ang House of Representatives na suspendido na rin ang trabaho sa Kamara bukas dahil sa Super typhoon Uwan.
















