-- Advertisements --

Ginawang makulay ni Bad Bunny ang Levi’s Stadium sa kanyang pagtatanghal sa Super Bowl halftime show nitong Linggo (araw sa Amerika) tampok ang makukulay na eksena ng kultura ng Puerto Rico kung saan lumabas rin sina Lady Gaga, Daddy Yankee, at Ricky Martin.

Sinundan nito ang record-breaking performance ni Kendrick Lamar noong nakaraang taon na umabot sa mahigit 130 milyong manonood.

Ipinakita kasi ni Bad Bunny, o sa tunay na buhay Benito Antonio Martínez Ocasio, ang kanyang Puerto Rican heritage, gamit ang reggaeton style.

Suot ang puting suit, binuksan ng Grammy Award winner ang show sa awiting “Tití Me Preguntó,” na may backdrop ng buhay ng Puerto Rican tampok ang mga magsasaka na nagpuputol ng tubo, matatandang naglalaro ng domino, at mga nagtitinda ng niyog at piragua.

Bukod dito tampok rin ang mga iconic na casita mula sa kanyang 2025 residency sa San Juan at mga poste ng kuryenteng sumasabog, paalala ng madalas na nararanasang blackout sa isla.

Sa secondary stage na “La Casita,” inawit niya ang “Yo Perreo Sola,” “Safaera,” at “Party,” habang namataan ang mga celebrity tulad nina Pedro Pascal, Karol G, Cardi B, at Jessica Alba na sumasayaw sa crowd.

Isa pa sa pinakatampok sa eksena ang pagbagsak niya mula sa stage habang sasaluhin ng fans at sabay na inaawit ang “Voy a Llevarte Pa’ PR,” bago lumipat sa puting truck para sa medley ng reggaeton classics nina Daddy Yankee, Don Omar, at ang sarili niyang “EoO.”

Kita rin ang ningning ng mga fans nang lumabas si Lady Gaga, na nakasuot ng asul na gown at may flor de maga sa dibdib, para sa isang salsa rendition ng “Die With a Smile” kasama ang batang Puerto Rican bandang Los Sobrinos.

Kasunod nito, si Ricky Martin ay sumali rin sa kanya sa “Lo Que Le Pasó a Hawaii,” na naglalarawan sa kasalukuyang gentrification sa isla. Sa pagtatapos, inawit ni Bad Bunny ang “Café con Ron” kasama ang Los Pleneros de la Cresta, ipinakilala sa mga manonood ang tradisyunal na plena.

Sa huling bahagi ng palabas, binigkas ng superstar ang “God bless America” at isinunod ang roll call ng mga bansa sa kontinente habang ipinapasok ang kani-kanilang bandila—isang mensahe ng pagkakaisa at pag-decenter ng ideya na ang “America” ay iisang bansa lamang.

Gayunpaman, umani rin ng batikos ang pagpili kay Bad Bunny bilang halftime performer, kabilang na si U.S. President Donald Trump at ilang konserbatibong grupo, dahil sa lantad na pagtuligsa ng mang-aawit sa mga patakaran ng Amerika sa imigrasyon. Ayon kay Trump sa kanyang social media post: “absolutely terrible.”