Binigyang-diin ng Malacañang na kinikilala at isinusulong ng Duterte administration ang malayang pamamahayag kasunod ng lumabas na resulta ng survey na nagsasabing 51 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang mapanganib ang paglalathala o pagbabalita ng anumang kritikal sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay ri sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa noong Hulyo 3 hanggang Hulyo 6, nasa 30 percent naman ang kontra o tutol sa paniwala ng nakararami.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala pa kahit isa man lang na libel case ang isinampa ni Pangulong Duterte laban sa mga taga-oposisyon.
Ayon kay Sec. Roque, nananatiling alerto at buhay na buhay ang media sa pagbabalita kaugnay sa gobyerno at aksyon ng mga opisyal.
Iginiit pa ni Sec. Roque na ang survey result ay repleksyon ng opinyon ng mga respondents noong isinagawa ang survey.
“Be that as it may, the Duterte Administration continues to respect the freedom of the speech and the freedom of the press in the country,” ani Sec. Roque.
“Media remains alert and vibrant in their reportage of the government and the actions of officials.”