-- Advertisements --

Patuloy na isinusulong ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang Revised Magna Carta for Public School Teachers o ang Senate Bill No. 2493 upang itaguyod ang kapakanan ng mga guro.

Ang pahayag ni Gatchalian ay kasabay ng pagdiriwang ngayong araw ng labor day.

Layon ng naturang panukalang batas na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers o ang Republic Act No. 4670 upang gawing institutionalized ang mga benepisyong tulad ng calamity pay, educational allowances, at longevity pay.

Layon din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng mas maayos na criteria pagdating sa sahod; proteksyon ng mga guro mula sa out-of-pocket expenses; at katiyakang ang mga sahod, benepisyo, at mga working conditions ng mga probationary teachers ay magiging kapareha o hindi nalalayo sa mga entry-level na guro.

Ipagbabawal din sa ilalim ng panukalang batas ang pagpapagawa ng mga non-teaching tasks sa mga guro. Layon din ng naturang panukalang batas na bawasan ang oras ng pagtuturo.