Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na hindi sinasadya ang nangyaring insidente sa NAIA Termina 1 sa Pasay City batay sa paunang imbestigasyon at CCTV footage.
Ayon sa kanya, may pasaherong hinatid ang driver na kinilala na si Leo Gonzales bago nangyaring ang pang-aararo ng isang SUV na agad ding kinumpirma ng driver at sinabing nataranta lamang umano siya dahil may tumawid umano na sasakyan at sa halip na preno ay selenyador ang natapakan niya.
Samantala kasalukuyang nasa kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang driver at isinasailalim sa imbestigasyon sa pangunguna ni PBGen. Christopher Marcial Abecia.
Nabatid na nagdulot ng pinsala ang kinahinatnat ng insidente kung saan patay ang dalawang katao kabilang ang isang 4-anyos na batang babae habang tatlo ang nasugatan.
Patuloy naman nagpapagamot sa ospital ang mga nasugatan na nagtamo ng sugat at bali sa katawan.
Tiniyak ni Dizon na sasagutin ng kumpanya ang mga gastusing medikal ng mga nasugatan at ang pagpapalibing ng mga nasawi.
Patuloy ang pagsusuri sa CCTV footage upang matukoy ang tunay na dahilan ng insidente. Isasailalim din ang driver sa mandatory drug test.
Nanawagan naman si Dizon sa publiko na igalang ang mga biktima at iwasan ang pag-post ng mga sensitibong video o larawan ng insidente sa social media para lamang sa pagdami ng views.
‘Respetuhin po natin ang mga pamilyang namatayan. Huwag natin gawing content ang kanilang pinagdadaanan,’ ani Dizon.
Maglalabas pa ng karagdagang detalye ang mga awtoridad sa mga susunod na oras habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.