Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local chief executives (LCEs) na istriktong ipagbawal ang pagpasok ng sinuman sa loob ng apat na kilometrong “permanent danger zone” sa paligid ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon, kasunod ng naganap na phreatic eruption noong Abril 28.
Batay sa rekomendasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), pinayuhan din ng DILG ang mga lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag sa pinalawak na danger zone ng bulkan, dahil sa banta ng pyroclastic density currents, ballistic projectiles, rockfall, pagguho ng lupa, at pag-ulan ng abo.
Sa isang advisory, hinimok ng DILG ang mga LCEs na ipatupad ang ”Operation L!sto” protocols para sa pagputok ng bulkan at makipag-ugnayan sa kani-kanilang Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils (RDRRMCs).
Pinayuhan din ang mga komunidad na magsuot ng face mask o basang tela upang maiwasan ang paglanghap ng abo, at manatiling alerto lalo na sa mga mabababang lugar at river channels na maaaring bahain ng lahar tuwing malakas ang ulan.
Inabisuhan din ang mga aviation authorities na iwasan ng mga piloto ang paglipad malapit sa tuktok ng bulkan.
Ayon sa mga ulat, tinatayang mahigit 29,000 katao sa 25 barangay sa Sorsogon ang apektado ng pagsabog, habang 1,132 pamilya mula sa mga barangay ng Buraburan, Guruyan, Calmayon, Catanusan, at Puting Sapa ang may limitadong access sa ligtas na inuming tubig.
Samantala, umabot na sa P675,000 ang iniulat na pinsala sa agrikultura sa bayan ng Juban, na nakaapekto sa 45 na magsasaka.
Nanatili parin ang alert level 1 (low-level unrest) ng Bulusan Volcano.