-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Mariing kinondena ng Aklan Police Provincial Office sa pamumuno ni Provincial Director P/Col. Arnel Enrico Ramos ang brutal na pagpatay sa batikang mamamahayag na si Juan “Johnny” Dayang habang nakaupo ito sa rocking chair at nanonood ng television sa mismong pamamahay nito sa Villa Salvacion, Barangay Andagao, Kalibo, Aklan dakong alas-8:00 ng gabi, araw ng Martes, Abril 29, 2025.

Ayon kay P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan PPO, nagpapatuloy ang kanilang ginagawang back tracking sa kopya ng mga close circuit television o cctv footages bago nangyari ang insidente upang matukoy ang mga posibleng salarin na ikinasawi ng 89-anyos na beteranong journalist.

Tinitingnan aniya ng pulisya ang lahat ng anggulo mula sa kaniyang pagiging OIC mayor kung saan nagsilbi siya sa bayan ng Kalibo noong March 1986 to January 1987 hanggang sa pagiging aktibo nito bilang mamamahayag hindi lamang sa mga tanyag na peryodiko sa bansa kundi maging sa mga social media platforms.

Ayon pa kay Ayon, masusing imbestigasyon ang kanilang ginagawa upang kaagad na maisilbi ang hustisya at mapasagot ang nasa likod ng nasabing krimen.

Nabatid na dead on arrival sa Aklan Provincial Hospital si Dayang matapos na magtamo ng fatal na tama ng baril sa kaniyang leeg at likod kung saan, hindi na ito nakaalis pa sa kaniyang inuupuang rocking chair.

Si Dayang ay ang longtime president o itinuturing na Chairman Emeritus ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI) at hanggang sa kasalukuyan ay may mga column ito sa ilang tanyag na mga peryodiko sa bansa.

Maliban dito, naging presidente din si Dayang ng Manila Overseas Press Club (MOPC); director at board secretary ng National Press Club (NPC).