-- Advertisements --

Dumepensa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kay Cardinal Luis Antonio Tagle kaugnay ng mga batikos laban sa kanya hinggil sa isyu ng sexual abuse ng clergy, ilang araw bago ang conclave sa Vatican para pumili ng bagong Santo Papa.

Sa isang pahayag na inilabas noong Mayo 2, iginiit ng CBCP na wala nang direktang awtoridad si Tagle sa anumang diocesan bishops sa Pilipinas mula nang italaga siya sa isang posisyon sa Roman Curia. Ayon pa sa kanila, ang pagtugon sa mga kasong pang-aabuso ay responsibilidad ng mga lokal na obispo o religious superiors.

Binanggit din ng CBCP na tumulong si Tagle sa pagbuo ng mga pastoral guidelines laban sa sexual abuse noong 2003. Gayunman, ayon sa watchdog group na BishopAccountability.org, hindi umano ito makikita sa website ng CBCP o ng Archdiocese of Manila.

Binatikos ng co-director ng grupo na si Anne Barrett Doyle si Tagle at isa pang papal frontrunner na si Cardinal Pietro Parolin, na hindi maaasahan ang mga ito sa pagsugpo ng mga pang-aabuso sa simbahan. Tinawag pa ni Doyle si Parolin na isang “consummate secret-keeper.”

Samantala, gaganapin ang papal conclave sa Mayo 7 kung saan saan pipiliin ang kapalit ni Pope Francis, na pumanaw sa edad na 88 noong isang buwan. Kasama sina Tagle at Parolin sa mga itinuturing na pinakamalalakas na kandidato para maging lider ng Simbahang Katolika.