-- Advertisements --

Kasabay ng pagsisimula ng papal conclave o pagpili ng mga Catholic cardinal sa susunod na santo papa, muling susundin ang ‘by order of precedence’ na itinatakda ng ‘Universi Dominici gregis,’ sa order o pagkakasunod-sunod ng pagboto.

Ibig sabihin, mauunang boboto ang mga pinaka-senior official ng Roman Curia na sila ring nabigyan ng tungkulin upang pangasiwaan ang mga pinakamahahalagang diocese sa Diocese of Rome, kung saan ang nagsisilbi nitong bishop ay ang santo papa.

Pinakamataas dito ang mga cardinal-bishop na sinusundan ng mga cardinal-priest, cardinal-deacon, atbpang opisyal ng Vatican.

Ang College of Cardinals ay pinamamahalaan ng dean nito na si Cardinal Giovanni Battista Re ng Italy habang nagsisilbing vice dean si Cardinal Leonardo Sandri, ngunit sila ay kasama sa 116 cardinal na may edad 80 pataas na hindi na maaaring makibahagi sa conclave.

Dahil dito, ang responsibilidad ng pamamahala sa conclave ay nasa kamay na ng pinaka-senior na miyembro – si Cardinal Pietro Parolin, na nagsilbi rin bilang secretary of state sa ilalim ni Pope Francis.

Kasunod nito, si Parolin ang magiging Cardinal Elector No. 1 sa conclave. Siya ang pinakaunang manunumpa ng ‘oath of secrecy’ at siya rin ang unang maglalagay ng kaniyang balota sa banga na magsisilbing lalagyan ng mga balota.

Susundan siya ni Cardinal Fernando Filoni, dating prefect ng lumang Congregation for the Evangelization of Peoples at dati ring nagsilbi bilang apostolic nuncio to the Philippines noong 2006-2007.

Magsisilbing Elector No. 3 si Cardinal Luis Antonio Tagle. Si Tagle ang pumalit kay Filoni at naging pro-prefect noong na reorganize ang naturang congregation bilang Dicastery for Evangelization.

Sunod sa kaniya ay si Cardinal Robert Francis Prevost bilang Elector No. 4, habang magiging Elector No. 5 si Cardinal Louis Raphaël I Sako, mula sa Baghdad.

Matapos ang top five (5) cardinals, susundan sila ng 108 cardinal-priest at 20 cardinal-deacon. Ang pagkakasunod-sunod ng kanilang pagboto ay dedepende sa araw ng pagkakapasok nila sa consistory, o ang council of cardinals sa ilalim ng Catholic Church.