Habang nagsimula nang bumoto ang 133 cardinal para sa pagpili ng bagong Santo Papa, isang tanong ang bumabalot sa mga usapin sa likod ng makasaysayang kaganapan.
Magkano ang tunay na halaga ng conclave?
Bagamat hindi inilalabas ng Holy See ang eksaktong halaga ng gastos, inaasahang aabot ito sa milyun-milyong euro—isang malaking pasanin para sa naluluging pananalapi ng Vatican.
Mula nang pumanaw si Pope Francis noong Abril 21, mahigit 200 cardinal mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kasama ang kanilang mga kawani, pagkain, tirahan, at transportasyon ng ilang araw.
Mababatid na ang Sistine Chapel, ay inayos upang magsilbing lugar ng deliberasyon. Gayundin ang St. Peter’s Square, na inihanda upang salubungin ang libo-libong deboto at turista na nag-aabang ng puting usok—senyales ng pagkakahalal ng bagong Santo Papa.
Sa ilalim ng kasunduang 1929 na lumikha sa Vatican City State, ang gobyerno ng Italya ang sumasagot sa seguridad. Noong 2013 conclave, tinatayang umabot sa €4.5 million (P280 million) ang halaga ng seguridad at transportasyon, ayon kay dating Rome mayor Gianni Alemanno.
Ngayong taon, naglaan ang administrasyon ni Prime Minister Giorgia Meloni ng paunang €5 million matapos ang pagkamatay ni Pope Francis, ngunit wala pang inilalabas na kabuuang gastos, ayon sa civil protection minister na si Nello Musumeci.
Kung pagbabatayan ang nakaraang tala, ang funeral at conclave para kay Pope John Paul II noong 2005 ay umabot sa €7 million. Matapos nito, naging mas tahimik ang Simbahan sa pagbibigay ng detalyadong gastos. Noong 2013, walang ibinigay na opisyal na ulat ang Vatican para sa conclave ni Pope Francis, ngunit iniulat nito ang taunang deficit na €24 million.
Ngayong taon, wala ring iniulat na sponsors o pribadong pondo ang pumasok sa Vatican. Ayon sa tagapagsalita ng Vatican na si Matteo Bruni, ang lahat ng gastos ay galing lamang sa pondo ng Holy See.
Sa kabila ng mga reporma ni Pope Francis upang linisin ang pananalapi ng Simbahan tulad ng paglikha ng Secretariat for the Economy noong 2014 at pagpapatigil ng mga kaduda-dudang account sa Vatican Bank na mananatiling hamon ang kalagayang pinansyal nito.
Noong 2022, tinatayang may deficit pa ring €30 million ang Simbahan, bunsod ng bumababang donasyon mula sa mga mananampalataya.