-- Advertisements --

Hinimok ni Rev. Fr. Jackson Doung Thuen Chi ang mga mananampalatayang Katoliko na pagnilayan ang mensahe ng Araw ng mga Santo na ginugunita ngayong Nobiyembre-1.

Sa misang inilaalay ng Baclaran Church para sa Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, sumentro ang sermon ni Fr. Thuen Chi sa pagpapa-alala sa tunay na diwa ng Araw ng mga Santo.

Aniya, hindi lamang ito para sa mga kinikilalang santo sa ilalim ng pananampalatayang Katolika.

Sa halip, isa rin itong selebrasyon at pagkilala sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan na nagpakita ng ‘extraordinary faith’ o walang hanggang pananalig sa Diyos.

Giit ng Franciscan priest, ang Araw ng mga Santo ay nagpapaalala sa bawat isa upang maging banal, tulad ng mga Santo.

Isa rin aniya itong paalala sa bawat mamamayan kung gaano kahanda ang mga ito para maging santo at gawin ang mga kautusan ng Diyos.

Inisa-isa rin ni Fr. Jackson ang ilan sa mga ilan sa mga katangian ng mga santo sa pananampalatayang Katolika.

Kabilang dito ang hindi nila pagkatakot na magsalita laban sa karahasan at laban sa mga mapang-api, habang naninindigan para sa mga mahihirap at mahihina.