-- Advertisements --

Hinimok ni Rev. Fr. Jackson Doung Thuen Chi ang mga mananampalatayang Katoliko na pagnilayan ang mensahe ng Araw ng mga Santo na ginugunita tuwing Nobyembre 1.

Sa misang inialay ng Baclaran Church para sa Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal, sumentro ang sermon ni Fr. Thuen Chi sa pagpapaalala ng tunay na diwa ng pagdiriwang.

Aniya, hindi lamang ito para sa mga opisyal na kinikilalang santo sa ilalim ng pananampalatayang Katolika.

Sa halip, isa rin itong selebrasyon at pagkilala sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan na nagpakita ng ‘extraordinary faith’ o walang hanggang pananalig sa Diyos.

Giit ng Franciscan priest, ang Araw ng mga Santo ay paalala sa bawat isa na ang kabanalan ay maaaring makamtan ng sinuman, basta’t isinasabuhay ang mga aral ng Diyos.

Inisa-isa rin ni Fr. Jackson ang ilan sa mga katangian ng mga santo sa pananampalatayang Katolika, kabilang ang kanilang tapang na magsalita laban sa karahasan at sa mga mapang-api, habang naninindigan para sa mga mahihirap at mahihina.