Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakikipag-ugnayan na ito sa mga awtoridad ng France para mabawi o mapalitan ang nawawalang bust o head sculpture ni Jose Rizal sa Place Jose Rizal sa Paris.
Ayon sa DFA, nawawala ang bust mula noong Oktubre 25 o 26, at agad itong ini-report sa mga lokal na awtoridad.
Sinabi pa ni DFA spokesperson Angelica Escalona na patuloy ang koordinasyon ng embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Paris upang subaybayan ang imbestigasyon.
Bagamat hindi pa alam ang dahilan ng pagkawala, sinabi niyang ang mga pampublikong monumento tulad ng bust ay madalas na nagiging target ng pagnanakaw.
Ang bust, na inukit ni Gérard Lartigue, ay inilunsad noong 2022 bilang isang simbolo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at France, at nagsisilbing mahalagang landmark para sa mga Filipino sa Paris.
















