Umapela na rin ang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Leo XIV para sa pagwawakas ng trahediya dulot ng giyera lalo na sa Middle East.
Ginawa ng Santo Papa ang panawagan sa kaniyang Angelus address sa St. Peter’s Square nitong linggo, June 22.
Ito ay matapos pasabugin ng US bombers ang 3 nuclear sites sa Iran sa gitna ng nagpapatuloy na palitan ng strikes sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon sa Santo Papa, patuloy ang pagdating ng mga nakakaalarmang balita mula sa Middle East lalo na mula sa Iran.
Inalala ni Pope Leo na ang giyera ay nagpapatindi lamang ng mga problema at lumilikha ng malalim na sugat nang walang pangmatagalang solusyon.
Aniya, dumadaing at nagmamakaawa ang sangkatauhan para sa kapayapaan at ang luha aniya para sa kapayapaan ay nagdedemand ng pananagutan at hindi dapat matabunan ng dagundong ng mga sandata o ng retorikang mga salita na nag-uudyok ng labanan.
Sa ganito din aniyang mga pagkakataon, nanganganib na makalimutan ang dinadanas na paghihirap ng populasyon lalo na sa Gaza na nangangailangan ng agarang humanitarian support.
Bunsod nito, hinimok din ng Santo Papa ang bawat miyembro ng international community na gawin ang kanilang moral na responsibilidad para pigilan ang giyera bago ito maging “irreparable abyss”.
Sa huli, nagpahayag ng pag-asa ang Santo Papa na mapatahimik ng diplomasya ang mga armas at hayaang hubugin ng mga bansa ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng mga gawa ng kapayapaan, hindi sa pamamagitan ng karahasan at madugong labanan