Ibinahagi ni Cardinal Pablo Virgilio David ang kanyang makasaysayang karanasan bilang cardinal-elector sa katatapos lamang na conclave sa Vatican, kung saan nahalal si Cardinal Robert Francis Prevost bilang bagong Santo Papa ng Simbahang Katolika.
Sa isang Facebook post, sinabi ni David na nagsimula siyang dumalo sa pre-conclave congregation noong Abril 28, dalawang araw matapos dumating sa Vatican. Sa loob ng 14 na araw ng mga pagpupulong, naramdaman niya umano ang bigat ng responsibilidad na nakaatang sa magiging Santo Papa.
Ayon kay Cardinal David, emosyonal at makapangyarihan ang naging sandali nang lumampas si Prevost sa kinakailangang two-thirds vote. Aniya, dama niya ang kolektibong panawagan ng mga cardinal na tanggapin nito ang mandato, na maaari rin sanang tanggihan.
Tinawag ni Cardinal David ang sagot ni Prevost na “Accepto” bilang isang napakagandang sandali. Pagkatapos nito, lumabas ang puting usok bilang hudyat ng pagkakahalal ng bagong Papa, na ngayon ay kilala bilang Pope Leo XIV. Makaraan ang seremonya, nasaksihan ni David ang pagbati at pagyakap ng mga cardinal sa bagong halal na pinuno ng Simbahang Katolika.