Itinuturing ni Surigao del Sur 1st District Rep. Romeo Momo Sr., na ”politically motivated” ang reklamo ng plunder at graft na isinampa ni Atty. Mary Helen Polinar Zafra kasama ang ilang pari sa Office of the Ombudsman noong Biyernes, Disyembre 12.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, binanggit ng Konresista na mula nang pumasok siya sa politika, nagbitiw na daw siya sa construction company na pag-aari ng kanyang pamilya, ang Surigao La Suerte Corporation (SLSC) taliwas sa naunang pahayag ni Atty. Zafra na siya ay bahagi ng kumpanya noong 2019, kahit na siya ay miyembro na ng Kongreso.
Sinabi pa ni Momo na batay sa kanyang obserbasyon, may halong pulitika ang reklamo dahil natalo si Atty. Zafra sa nakaraang halalan nang tumakbo itong konsehal kung saan natalo rin ang kapatid ni Zafra, at sinasabing naghahanap lamang ng isyu si Zafra, na ayon kay dating Congressman Prospero Pichay ay kanilang kalaban sa politika, lalo na’t malapit na ang 2028 local at national elections.
Dahil sa isyung ito, nagbitiw nitong Sabado, Disyembre 13, bilang miyembro ng bicameral conference committee si Momo Sr. bagama’t sinabi niyang ang kanyang pagbibitiw ay para protektahan ang integridad ng Kongreso sa harap ng mga alegasyon ng malawakang korapsyon, partikular na sa mga flood control projects.
Ani pa ng mambabatas ang kanyang desisyon ay bilang pagpapakita ng respeto sa institusyon ng Kongreso at upang mapanatili ang tiwala ng publiko.
Si Momo, na dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ay kasalukuyang chairman ng House Committee on Public Works at vice chairperson ng Appropriations Committee.
Kasunod ng resignation ni Momo, nagbitiw din si Senator Jinggoy Estrada mula sa bicam committee dahil sa mga alegasyong may kaugnayan sa kickbacks mula sa flood control projects.
Ang bicam committee ay kasalukuyang iniimbestigahan kaugnay ng mga kontrobersya sa “budget insertions” sa 2025 budget, na pinuna bilang “pinaka-korap” sa kasaysayan ng bansa.
















