Idineklara ni Pope Leo XIV bilang bagong minor basilica ang Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño de Tondo sa Maynila.
Ayon sa Tondo Church, itinaas ng Vatican ang titulo ng simbahan bilang Minor Basilica sa pamamagitan ng isang Papal Decree na may petsang Nobyembre 9. Ang naturang dokumento ay iniabot ni Fr. Carmelo Arada, Chancellor ng Archdiocese of Manila, kay Msgr. Geronimo Reyes, Rector ng Tondo Church.
Si Pope Leo XIV mismo ang nagkaloob ng bagong titulo sa Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño de Tondo.
Ayon sa simbahan, ang makabuluhang sandaling ito ay nagmamarka ng opisyal na pagtanggap ng atas ng Santo Papa, na isang mahalagang hakbang sa paglalakbay tungo sa bagong titulo bilang Minor Basilica.
Nagiging Minor Basilica ang isang simbahan kapag ito ay may natatanging kasaysayan, arkitektura o espirituwal na kahalagahan. Kabilang sa pribilehiyo nito ang mas malapit na ugnayan sa Santo Papa at ang paggamit ng papal symbol na crossed keys sa mga bandila, kasangkapan, at opisyal na selyo.
Sa ngayon, wala pang itinatalagang petsa para sa Solemn Declaration ng bagong Minor Basilica.















