-- Advertisements --

Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver na nasangkot sa fatal accidents sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo ng umaga. Iniutos din ng Department of Transportation (DOTr) na sumailalim sa drug testing ang driver ng SUV.

Ayon sa LTO, ang lisensya ng driver ay pansamantalang sinuspinde ng 90 araw habang iniimbestigahan ang insidente.

Batay sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, obligado ang mga driver na nasasangkot sa aksidente na magpasailalim sa chemical testing, kabilang ang drug screening. Kung tatanggi, maaaring ma-revoke ang kanilang lisensya at pagmultahin.

Mababatid na dalawang tao ang nasawi sa aksidente—isang 28-taong gulang na lalaki at isang limang taong gulang na bata nang araruhin ng SUV ang departure area ng NAIA Terminal 1. Tatlong iba pa ang nasugatan at dinala sa ospital.

Naglabas na rin ang LTO ng show-cause order laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan. Inutusan ang driver na isurender ang kanyang lisensya sa madaling panahon.