Muling tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nakatutok ang Kamara de Representantes sa paglikha ng mapapasukang trabaho at pagkakaroon ng bansa ng seguridad sa pagkain na siyang mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.
Ayon sa isang survey, 93% ng mga Pilipino ang susuporta sa mga kandidato na nagtataguyod ng mas maraming oportunidad sa trabaho at pagpapalakas ng agrikultura upang dumami ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Binanggit ng pangulo ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) na sa nakalipas na dalawang taon, ang Kamara ay nagtaguyod ng mga batas na nagpatibay sa mga hakbang para mapalakas ang sektor ng paggawa sa bansa.
Ang Republic Act 11962, o ang “Trabaho Para sa Bayan Act,” ay nagtatag ng “National Employment Master Plan” na nag-uugnay ng mga kurikulum, pagsasanay, at apprenticeship sa tunay na pangangailangan ng industriya. Upang hikayatin ang malalaking pamumuhunan, ipinasa ang RA 11966, o ang “Public-Private Partnership Code of 2023,” na nagtipon ng mga magkakaibang PPP rules at pinabilis ang proseso ng pag-apruba, na nagbibigay ng matibay na legal na suporta sa malalaking proyektong imprastruktura.
Nagkaroon ng paglago sa mga trabaho sa digital economy matapos ang pagpasa ng RA 11967, o ang “Internet Transactions Act,” na nagtatag ng E-Commerce Bureau upang protektahan ang online buyers and sellers, at gawing mas propesyonal ang e-commerce sa Pilipinas.
Para sa mga lokal na negosyante, ang RA 11960, o ang “One Town, One Product Philippines Act,” ay nagtatag ng mga targeted design, financing, at marketing support upang matulungan ang mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) na palaguin ang kanilang negosyo at magbigay ng trabaho sa kanilang komunidad.
Sinabi ni Speaker Romualdez na, kapag pinagsama-sama ang lahat ng batas na ito ay lumilikha ito ng isang buong ecosystem na nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa disenteng trabaho,” paliwanag ng pinuno ng Kamara.
Sa harap ng mga isyu ng seguridad sa pagkain, pinagsama ng Kamara ang mga pangmatagalang reporma at agarang tulong.
Ang RA 11953, o ang “New Agrarian Emancipation Act,” ay nagtanggal ng ₱57.56 bilyon na pagkakautang sa land amortization ng 610,054 agrarian-reform beneficiaries na nagtatanim sa 1.17 milyong ektaryang lupain.
Ito ay nagbigay sa mga magsasaka ng dagdag na pondo para sa mga binhi, pataba, at makinarya, na makakatulong upang mapataas ang kanilang ani.