Umabot na sa 188 ang bilang ng mga nasawi dahil sa Bagyong Tino, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Biyernes.
Sa ulat ng ahensya, 33 ang nasawi sa Negros Island Region, habang 140 naman sa Region 7.
May 135 pa ang naiulat na nawawala, kaya’t patuloy ang isinasagawang search, rescue, at retrieval operations, lalo na sa Negros Island Region at Region 7. Sa detalye, 56 ang nawawala sa Negros Island Region at 79 sa Region 7.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 96 ang naitalang nasugatan. Apektado ang 2,258,782 katao o katumbas ng 635,565 pamilya, kung saan 397,634 ang pansamantalang lumikas.
Nawasak ang 9,585 bahay, 9,321 ang bahagyang nasira, at 264 ang tuluyang nawasak. Iniulat din ang pinsala sa agrikultura na nagkakahalaga ng P10,615,193 at P6,330,000 naman sa imprastruktura. Hindi madaanan ang 74 kalsada at 10 tulay.
Naibalik na ang suplay ng kuryente sa 58 sa 162 apektadong lugar, at ang komunikasyon sa 5 sa 22 lugar. Gayunpaman, may problema pa rin sa suplay ng tubig sa 11 lugar. Suspendido ang klase sa 707 lugar at ang trabaho sa 483 lugar.
Nakapagbigay na ng tulong na nagkakahalaga ng P111,123,620 ang NDRRMC sa mga biktima.
Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., inaprubahan na niya ang rekomendasyon na ideklara ang state of national calamity bunsod ng pananalasa ng Bagyong Tino.
















