Hindi pa umano nakipag-ugnayan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Maria Catalina Cabral sa House Infrastructure Committee kasunod ng kaniyang naunang pagdalo bilang resource person.
Magugunitang ipinatawag ng komite ang dating opisyal upang ipaliwanag ang ilang usapin tulad ng alokasyon ng pondo para sa ilang mga proyekto, pagpabor sa ilang contractor, at iba pang kontrobersyal na isyung bumabalot sa flood control mess.
Kabilang sa ilang kontrobersyal na pahayag ni Cabral sa kaniyang pagdalo ay ang paglalaan umano ng hanggang P51 billion na pondo sa distritong hawak ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte na nangyari noong 2020 hanggang 2022.
Ayon kay House InfraComm chair Terry Ridon, hindi na niya nakausap ang dating opisyal, matapos ang kaniyang una at huling pagdalo, sa kabila ng mahahalagang impormasyon na maaari sana niyang ibahagi.
Aniya, ang kaniyang testimoniya ukol sa paglalan ng P51 billion sa distritong hawak ng dating presidential son ang nagsisilbing pinakamalaking rebelasyon na kaniyang inilabas sa pagtalakay ng InfraComm.
Nilinaw din ni Ridon na wala nang naging komunikasyon ang komite at ang kampo ni Cabral matapos nito, mapa-personal man o professional.
Hindi rin umano personal na nakipag-ugnayan sa kaniya ang namayapang undersecretary para sa posibilidad ng karagdagang impormasyon.
Kasunod ng pagkasawi ni Cabral ay lumalabas na nag-iwan siya ng maraming files na naglalaman ng mga proponent, pondo, lokasyon, at iba pang mahahalagang impormasyon ng mga flood control project sa buong bansa.
Isa sa mga nakakuha rito ay si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Ayon pa kay Rep. Ridon, gawain ng komite na magkaroon ng personal communication sa mga iniimbitahang resource person.
Si Ridon ang nagsilbing chairperson ng InfraComm na nanguna sa flood control scandal investigation sa Kamara de Representantes.
















