-- Advertisements --

Ibinahagi ni Miss Universe 2025 third runner-up Ahtisa Manalo na inakala niyang siya at si Miss Cote d’Ivoire Olivia Yace ang posibleng final two.

Dahil umano ito sa napakinggan niya ang mga sagot ng bawat kandidata sa Q&A segment.

‘I thought it was between me and Cote d’Ivoire during that night because I was able to hear everyone’s answer. Hindi ko man sila napanood kasi when you’re there, when you’re competing you focus on yourself, you don’t focus on other people. Pero kapag Q&A na, siyempre wala ka nang magagawa so makikinig ka na lang. So I thought it was between me and Cote d’Ivoire,’ saad ni Athisa.

Sa kabila ng mahusay niyang performance at pagiging articulate sa Q&A, nakakuha si Olivia ng pinakamababang puntos sa limang top contenders, habang si Miss Mexico Fatima Bosch, na tila pinakamahina sa kanila, ang nakakuha ng korona.

Ani pa ni Ahtisa sa interview niya kay Vice Ganda, siya ay nasa “laban mode” sa gabi ng pageant at nagbigay ng magandang laban hindi lamang para sa sarili kundi para sa bansa.

‘Feel na feel ko yun… Pag di ka naging confident sa sarili mo, it will show. I prepared for it,’ pahayag pa ni Ahtisa.

Samantala, kinuwento pa ni Ahtisa ang kontrobersyal na pag-walk-out ni Fatima noong pre-sashing ceremony noong Nobyembre nang i-spotlight ni Nawat Itsaragrisil, Presidente ng Miss Grand International si Fatima dahil umano sa hindi pagsunod sa local promotional requirements.

Sinabi ni Nawat na may 20 kandidata na hindi nakikipagtulungan at tinanong kung sino sila, ngunit walang tumugon, dahilan upang lumala ang sitwasyon.

Ani Ahtisa, nagalit si Nawat at itinuro si Miss Mexico, dahilan para mag-walk-out ito kasama ang ibang delegates. Nang tanungin tungkol sa online claims na tinawag ni Nawat si Miss Mexico na “dumb,” sinabi ni Ahtisa na hindi niya narinig ang ganoong pahayag.

‘Not according to my hearing, eh medyo bingi din ako, hindi ako sure,’ paliwanag ni Ahtisa.

Una nang naghain ng kasong kriminal si Nawat laban laban kay Fatima ukol sa ”repeated defamatory statements” umano ni Fatima laban sa kanya.