-- Advertisements --

Nagbitiw sa kanyang titulo bilang Miss Universe Africa and Oceania si Olivia Yace ng Côte d’Ivoire, ilang araw lamang matapos itong igawad sa kanya.

Sa pahayag na inilabas noong Nobyembre 24, sinabi ni Yace na pinili niyang mag-resign upang manatiling tapat sa kanyang mga pinahahalagahan tulad ng respeto, dignidad, excellence, at equal opportunity.

Screengrab from Olivia Yace /FB

Bukod sa pagbibitiw, tuluyan na rin niyang iniiwan ang lahat ng ugnayan sa Miss Universe Organization (MUO). Iginiit ng beauty queen na ang kanyang desisyon ay para mas maipagpatuloy ang pagiging inspirasyon sa mga kabataang babae, at upang hindi siya malimitahan ng “diminished role” bilang continental queen.

Dumating ang kanyang pahayag sa gitna ng mga alegasyong “rigged” ang resulta ng Miss Universe 2025 na umano’y pumabor kay Fatima Bosch ng Mexico.

Ayon sa ilang kritiko, maaaring nakaapekto ang ang pagkapanalo ni Fatima sa koneksiyon nito sa MUO president na si Raul Rocha.

Si Olivia, na fourth runner-up sa Miss Universe 2025, ay isa sa mga paboritong manalo dahil sa kanyang malakas na presensya at mahusay na Q&A performance.

Nanawagan din siya sa Black, African, Caribbean, American, at Afro-descendant communities na patuloy na lumaban para sa kanilang identity.

Wala pang opisyal na pahayag ang MUO kung sino ang papalit kay Olivia.

Samantala, kinumpirma naman ng Miss Côte d’Ivoire organization na ibabalik ni Olivia ang kanyang titulo sa MUO.

Ang mga natitirang continental queens ay kinabibilangan ng Miss Universe Asia – Zhao Na (China), Miss Universe Europe – Julia Cluett (Malta), at Miss Universe Americas – Stephany Abasali (Venezuela).