-- Advertisements --

Sinabi ni Miss Universe Organization (MUO) president Raul Rocha na balak niya ng ibenta ang kanyang 50% stake sa pageant matapos ang serye ng kontrobersya na yumanig sa organisasyon nitong mga nakaraang linggo.

Sa kanyang panayam noong Nob. 24, tatlong araw matapos koronahan si Fátima Bosch bilang Miss Universe 2025 sa Bangkok, sinabi ni Rocha na sawa na siya sa sunod-sunod na natatanggap na batikos at isyung ibinabato laban sa MUO.

Ani Rocha, pagod na siyang isipin ang lahat ng umano’y tsismis at panghihimasok ng mga tao sa lahat ng kanyang desisyon bilang owner, proprietor, at president ng organisasyon.

Dadgag pa niya naghahanap na siya ng pagpapasahan ng kanyang “baton” o bagong taong papalit sa kanya bilang may-ari.

Ang pahayag ni Raul ay lumabas kasunod ng sunod-sunod na pagbibitiw ng tatlong miyembro ng MUO selection committee.

Nauna nang nag-resign si musician Omar Harfouch noong Nob. 18 matapos akusahan ang MUO ng umano’y pagbuo ng “impromptu jury” para pumili ng Top 30 finalists bago pa man magsimula ang preliminary competition. Ngunit mariin naman itong pinabulaanan ng MUO.

Kasunod nito, nag-withdraw din si football star Claude Makélélé dahil sa “personal reasons,” habang nagbitiw rin si Princess Camilla di Borbone delle Due Sicilie bilang head of the selection committee.

Nauna ring naging sentro ng usap-usapan ang MUO noong Nob. 4 nang mag-viral ang mainit na komprontasyon nina pageant executive Nawat Itsaragrisil at Bosch sa isang livestream na nauwi sa pagbibigay ni Raul ng sanksyon at restriction laban kay Nawat Itsaragrisi, CEO ng Miss Grand International at kasalukuyang owner ng Miss Universe Thailand franchise.

Bukod dito isang Miss Universe contestant rin na hindi na pingalanan ang nagsabing napakahirap tanggapin ang umano’y sikreto umanong pagpili ng Top 30, lalo na’t maraming kandidata ang nag-alay ng oras, sakripisyo, at maging kalusugan para sa kompetisyon.

“We believed in the integrity of this organization,” aniya, at pinasalamatan si Harfouch sa paglalantad ng usapin.