Nangako ang gobyerno ng Israel na magbibigay ng panghabambuhay na suporta para sa pamilyang naulila ng Pilipinang caregiver na si Mary Ann Velasquez De Vera na nasawi sa missile attack ng Iran sa Tel Aviv.
Ito ang kinumpirma ni Israel Ambassador to the Philippines Dana Kursh, na emosyonal na ipinaabot ang pakikiramay sa pamilya ng biktima at tiniyak na sa ilalim ng batas ng Israel, ang mga pamilya ng mga nasugatan o nasawi sa gitna ng armadong tunggalian, maging Israeli man o dayuhan, ay may karapatan para sa lifetime benefits.
Matatandaan, si De Vera ay nasawi sa retaliatory strike ng Iran kasunod ng pag-atake ng Israel at Estados Unidos sa Iran na ikinasawi na ng daan-daang katao.
Dagdag pa ng Israeli Ambassador, ang national security agency ng Israel ang mangangasiwa sa pagpapalabas ng naturang benepisyo, at personal niyang sasalubungin ang mga labi ng biktima sa pagdating nito sa Pilipinas.
Sa ngayon, wala pang kumpirmadong petsa para sa repatriation ng labi ng nasawing Pinay caregiver dahil nananatiling sarado ang ilang airspace at kanselado ang mga flight sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan.











