-- Advertisements --

Iginiit ni Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde na walang “ghost projects” sa kanyang distrito matapos personal na inspeksyunin ang ilang flood control at drainage projects sa Bahay Toro, Del Monte, Project 6, at San Antonio.

Tinukoy ni Atayde na lahat ng proyekto ay nakikita at may dokumento, taliwas sa alegasyong siya’y nakinabang sa umano’y iregular na flood control projects na binanggit ng mag-asawang kontratista na sina Pacifico at Cezarah Discaya sa Senado.

Batay sa ulat ng DPWH Quezon City 1st District Engineering Office, lahat ng pitong proyekto sa distrito ni Atayde ay “verifiable on site,” may tamang coordinates at larawan bilang ebidensya.

Kabilang dito ang mga flood control structures sa Culiat Creek at Dario Creek, rehabilitasyon ng Drainage Road 3, West Riverside Pumping Station, at proyekto sa San Francisco River.

Ayon kay Atayde, limang proyekto ay tapos na at dalawa’y pansamantalang sinuspinde. Aniya, hindi siya maaaring makinabang sa mga ito dahil nakapaloob na ang mga proyekto sa National Expenditure Program, at wala siyang kapangyarihang magdagdag sa General Appropriations Act. (REPORT BY Bombo Jai)