Ipinag-utos ni House Speaker Bojie Dy III ang pagbuo muli sa Statement of Assets, Liabilities and NetWorth (SALN) Review and Compliance Committee sa Kamara, alinsunod sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Itinalaga ni Speaker Dy si Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Representative Ferdinand L. Hernandez bilang Chairperson ng Komite.
Ang mga Vice Chairperson naman ay sina sina Iloilo 3rd District Representative Lorenz R. Defensor at Marikina 2nd District Representative Romero Federico S. Quimbo.
Habang ang mga miyembro ng Komite ay sina Rep. Jose “Bong” J. Teves Jr. (TGP Party-list); Rep. Maria Cristina C. Angeles (Tarlac 2nd District), Rep. Wilfrido Mark M. Enverga (Quezon 1st District), Rep. Angelo M. Barba (Ilocos Norte 2nd District), Rep. Arlene J. Bag-ao (Dinagat Islands Lone District).
Batay sa memorandum na inilabas ni Speaker Dy, agad na ipatutupad at magpapatuloy sa kanilang tungkulin.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pahayag ni Speaker Dy na muling rerepasuhin ng Kamara ang mga alituntunin hinggil sa pampublikong paglalabas ng SALN ng mga miyembro, bilang bahagi ng pagpapalakas ng transparency at pananagutan sa pamahalaan.
Ibinahagi ni Dy na bukas ang karamihan sa mga mambabatas sa ideya ng pagbubunyag ng kanilang SALN sa publiko.
Kasunod nito, inilabas ni Speaker Dy ang kanyang sariling SALN sa midya noong araw ding iyon, bilang pagtupad sa kanyang naunang pangako na maging bukas sa publiko.