-- Advertisements --

Nanawagan si House Special Committee on Bases Conversion Chairman Jay Khonghun ng Zambales kay Vice President Sara Duterte, at mga kandidato na kanyang sinusuportahan na huwag manahimik at sumama sa laban kontra sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea, gaya ng pag-angkin sa Sandy Cay kamakailan.

Ayon kay Khonghun, nakakapagtaka kung paanong si Duterte, mga kandidato at kaalyado nito na madalas nag-iingay at palaban sa iba’t ibang isyu ay nananamihik pagdating sa ginagawang pambubully ng China sa Pilipinas.

Ang pinakahuling tensyon sa Sandy Cay, isang sandbar na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, ay nagdulot ng galit mula sa mamamayan matapos magdala ang mga tauhan ng Chinese Coast Guard ng watawat ng China roon, na itinuturing na hakbang sa pag-angkin nito.

Sinabi ni Khonghun, dapat magkaroon ng iisang boses laban sa lantad at matapang na hakbang ng China lalo na mula sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Dagdag pa ng kinatawan ng Zambales, malinaw na pinapaboran ng publiko ang mga posisyong maka-Pilipino, batay na rin sa pinakahuling SWS survey na nagsasabing 75 porsyento ng mga Pilipino ang mas pinipili ang mga kandidatong ipaglalaban ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Tinuligsa rin ni Khonghun ang pagiging bukas ni Duterte sa pagsasalita tungkol sa pulitika at pagbato ng mga alegasyong walang basehan, kasama na ang paulit-ulit na kontrobersya ukol sa pambansang budget, na matagal nang napatunayang walang katotohanan.