Masusing nakamanman ang Pilipinas sa mga aksiyon ng China sa pinagtatalunang Scarborough Shoal, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Romeo Brawner Jr.
Ito ay kasunod ng kamakailang anunsiyo ng China sa plano nitong pagtatatag ng Huangyan Island National Nature Reserve sa naturang disputed water.
Nauna ng sinabi ng China noong Setyembre ng kasalukuyang taon na inaprubahan na nito ang paglikha ng isang national nature reserve sa naturang shoal.
Subalit, binatikos naman ito ng panig ng Pilipinas at tinawag ang plano ng China bilang isang malinaw na panimula para sa pag-okupa sa lugar. Naghain na rin ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng diplomatic protest laban sa plano ng China na tinawag nitong iligal, hindi makatarungan at isang panghihimasok sa ating soberaniya.
Kaugnay nito, sinabi ng AFP chief na mahalagang mapigilan na maulit ang nangyari sa Mischief Reef na tinatawag din ng Pilipinas bilang Panganiban Reef.
Matatandaan, inokupa ng China ang Mischief noong 1990s at mula noon ay nagtayo ng military base doon, kahit pa ito ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan.