Walang Pilipinong napaulat na nasugatan kasunod ng pag-landfall ng Hurricane Milton sa west coast ng Florida nitong Huwebes, ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Washington, DC.
Ayon kay Consul General Donna Rodriguez, walang naiulat sa Embahada o sa Honorary Consulate sa Florida na namatay o nasugatang Pilipino o mga residenteng Fil-Ams sa naturang estado dahil sa hurricane.
Sa datos ng Embahada, nasa tinatayang 178,000 Pilipino ang naninirahan o nakabase sa Florida.
Nasa 34,000 dito ay nasa Tampa Bay area o Orlando area na tinatayang tatamaan ng Hurricane Milton.
Kaugnay nito, ayon sa Consul General, nakipag-ugnayan na sila sa mga Filipino leader at mga organisasyon bago pa man tumama ang naturang hurricane sa lugar.
Nanawagan naman ang Embahada at Konsulada ng Pilipinas sa Florida sa mga Pilipino doon na lumikas na lalo na sa mga lugar na nagdeklara na ng mandatory evacuation.