-- Advertisements --

Dapat hilingin ng gobyerno ng Pilipinas ang mas maayos na kasunduan sa taripa sa Estados Unidos at gamitin ang pagiging “treaty ally” upang makakuha ng mas magandang deal.

Ito ang iginiit ni Senador Juan Miguel Zubiri.

Nadismaya ang senador sa kasalukuyang trade deal ng Pilipinas at Amerika, at hinimok nito ang administrasyon na gamitin ang Mutual Defense Treaty bilang pwersa para sa mas patas na trato.

Kung maaalala, inanunsyo ni US President Donald Trump noong Hulyo 9 ang bagong taripa para sa Pilipinas, Brunei, Algeria, Libya, Iraq at Moldova na aabot mula 20 hanggang 30 porsyento at ipinatupad simula Agosto 1.

Para sa Pilipinas, itinakda ang taripa sa 20 percent, mas mataas kumpara sa 17 percent na inanunsyo noong Abril.

Ngunit matapos makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pumayag si Trump na ibaba ang taripa ng Pilipinas nang isang porsyento, mula 20% sa 19%.

Sa kabila nito, iginiit ni Zubiri na hindi nakatanggap ng dagdag na konsesyon o pahintulot ang Pilipinas kahit pa treaty ally ito ng Amerika.