Pumalo na sa higit 24,000 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, batay sa datos ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, may 443 na mga bagong kaso ng sakit na naitala ngayong araw, June 11, kaya ang total ng COVID-19 cases ay nasa 24,175.

Mula sa mga bagong kaso,253 ang fresh cases o mga confirmed cases na lumabas ang resulta at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.

Ang late cases naman, o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta sa nakalipas na apat na araw o higit pa, pero ngayon lang na-validate ay nasa 190.

Nakapagtala naman ng mataas na bilang ng mga gumaling ang DOH dahil sa 270 new recoveries. Ang total ay 6,165.

Siyam naman ang bagong namatay kaya ang total deaths ay nasa 1,036.