-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Consulate sa Hong Kong na lahat ng Pilipinong apektado sa nasunog na high-rise building sa Wang Fuk Court housing complex sa Tai Po district ay accounted na, mahigit isang linggo matapos ang pinakamatinding sunog sa lungsod sa loob ng dekada.

Ayon sa konsulada, ang huling dalawang OFW sa kanilang verification list ay nasa Pilipinas nang mangyari ang sunog noong Nobyembre 26.

Sa kabuuan, 92 Pilipino ang ligtas, isa ang nasa ospital, at isa ang nasawi na si Maryan Pascual Esteban, isang domestic worker.

Patuloy namang ginagamot sa ICU si Rhodora Alcaraz, 28 anyos, dahil sa matinding pagkalanghap ng usok habang inililigtas ang sanggol ng kanyang employer.

Nasa Hong Kong naman si Migrant Workers Secretary Hans Cacdac upang personal na alalayan ang mga apektadong Pilipino.

Inanunsyo rin ni Hong Kong Labour and Welfare Secretary Chris Sun Yuk-han na makatatanggap ang pamilya ng mga foreign domestic worker na nasawi ng halos HK$800,000 na tulong. Ang mga nasugatan ay makatatanggap naman ng HK$50,000 hanggang HK$100,000.

Base sa datos ng Hong Kong, may 235 foreign domestic helpers sa lugar: 10 nasawi, 3 nasugatan, 192 ligtas, habang 30 pa ang nawawala.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon, kung saan 13 katao mula sa construction firm ng renovation project ang inaresto dahil sa umano’y safety lapses at paggamit ng substandard materials na posibleng nagpalala sa bilis ng pagkalat ng apoy.