Sa gitna ng mataas pa ring bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, inamin ng Department of Health (DOH) na nananatiling maganda ang numero ng ilang indicators sa sitwasyon ng bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, naglalaro na sa higit pitong araw o 7.26-days ang case doubling time ng COVID-19 sa bansa.
Ito yung pagitan ng mga araw bago muling dumoble ang bilang ng mga bagong kaso. Malaking improvement daw ito, dahil nasa dalawang araw ang case doubling time noong kakasimula pa lang ng pandemic sa Pilipinas.
Samantalang ang critical care utilization rate, o porsyento ng mga pasilidad para sa critical patients na okupado na, ay nasa 35-percent pa lang.
Sa kabila nito, nilinaw ng opisyal na hindi ibig sabihin nito na tuluyan nang nag-flatten ang curve o wala ng kaso ng sakit.
“Dahil humaba ang doubling time, at ang yung critical care utilization rate natin ay mababa pa rin, ibig sabihin hindi pa rin talaga utilized, ibig sabihin napo-prolong natin. Nabibigyan tayo ng panahon para mag-ready.”
“Andoon tayo sa indikasyon na nagfa-flatten, na baka nagfa-flatten na yung curve, pero we would like to be cautious on saying that because we are seeing spikes of cases in some of the areas in the country. Ibig sabihin hindi buong bansa ay overwhelmed.”
Ayon kay Usec. Vergeire, mabuting tingnan ng publiko ang sinasalamin ng mga datos na ito, na pagbuti ng kapasidad ng health system ng bansa.
Sa ngayon kasi higit 60 na ang bilang ng lisensyadong COVID-19 testing laboratory ng estado. May mga bago na ring mechanical ventilators, isolation at ICU wards sa mga ospital.