Nakatakdang simulan ng Pilipinas at United Kingdom ang negosasyon para sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ito ay matapos pormal nang nagpahayag ang United Kingdom ng interes na makipagkasundo sa Pilipinas para sa naturang kasunduan bilang tugon sa patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea.
Ipinasa ni UK Defense Minister John Healey ang panukala sa pamamagitan ni Lord Vernon Coaker kay Defense Secretary Gilberto Teodoro sa Camp Aguinaldo nitong Martes, Setyembre 16.
Ayon sa DND, magsisimula ang internal processes bilang paghahanda sa pormal na negosasyon.
Sakaling matuloy, ang VFA ay magbibigay daan sa pagbisita ng tropa ng Britain para sa joint exercises, pagsasanay, at iba pang kooperasyon.
Ito ang magiging ikapitong defense pact ng bansa, kasunod ng kasunduan sa US, Australia, Japan at nakabinbing pakikipagkasundo sa New Zealand, Canada, at France.