Nagbabala si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa mga senador na ang people’s initiative (PI) na direktang magmungkahi ng isang solong pag-amyenda sa konstitusyon ay maaaring magpatuloy kung mabibigo ang Kongreso na aprubahan ang mga pagbabago sa “mahigpit” na mga probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon.
Si Barbers, senior leader ng Nacionalista Party (NP) sa House of Representatives, sinabing wala pang Plan B ang mga kongresista sakaling mamatay muli sa Senado ang pagtulak para sa economic reform sa Charter.
“Sa ngayon, hindi pa namin napag-uusapan ang backup plan. We are just giving the Senate the time to consider approving and adopting RBH 6. It would really be appreciated if they will adopt this within the time that they have promised,” pahayag ni Barbers.
Tinukoy ni Barbers ang Resolution of Both Houses No. 6, na inakda nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senators Loren Legarda at Juan Edgardo Angara.
Muling binigyang-diin ni Barbers na walang patisipasyon ang mga House members sa people’s initiative, na naglalayongamyendahan ang 1987 Constitution partikular ang restrictive economic provision.
“‘Yung PI, wala naman sa kamay namin ‘yan eh, nasa kamay na po iyan ng PIRMA… wala naman kaming role diyan. Ang sinasabi lang po namin marami nang quarters nagsasabi na kailangan tingnan natin ‘yung Saligang Batas. Yung League of Governors, League of Municipal Mayors, chambers of commerce and industry in the different provinces, business community, Makati Business Club,” pahayag ni Barbers.
Ipinunto ni Barbers na ang pinaka-kontrobersyal na isyu na kailangang ayusin para magpatuloy ang Charter reform ay ang paraan ng pagboto.
Sinabi ni Barbers na mayroong magkakaibang mga pananaw tungkol dito ngunit naniniwala siya na ang Kamara at ang Senado ay dapat bumoto nang sama-sama o bilang isang katawan sa anumang panukalang pag-amyenda sa konstitusyon.
“Kasi they have probably become exasperated with the delays. In the 18th Congress, nagpasa ang House ng RBH 2. Sinabi doon sa RBH 2 gumawa tayo ng constituent assembly para maamyendahan natin ang economic provisions. Hindi gumalaw ito sa Senado,” wika ni Barbers.
Dagdag pa ng beteranong mambabatas, “Ngayon 19th Congress, nagpasa tayo ng RBH 6, ang pino-propose natin ay constitutional convention. So let us see. I think everybody will agree na kailangan talaga nating silipin, pag-aralan at amyendahan itong restrictive economic provisions ng ating Saligang Batas because we want to be globally competitive.”